Sa Dilaw na Trapik

 

Tablo reader up chevron

 


Sa katedral dumadapo silang mga pipit na mukhang alimango.


Kung puwede lang sanang itulak si kuya sa ibang dimensyon. Sa lugar na kung saan ako ang heneral ng kanyang kalawakan; sa  isang daigdig na kung saan ang galit niya sa akin ay katumbas  ng pagpugot ng ulo o di kaya’y pagtadtad sa dalawang kamay. Sa tuwing sinisingkahan niya ako, siya ay paparusahan ng lupa o anumang elementong naroon sa mundong ako ang siyang lumikha. Kakagatin siya ng hangin, lulunurin siya ng mga tubig na nasa hangin, iiwasan siya ng hangin! Nais ko siyang ipasok sa isang kahong mas lalong nagliliyab sa init sa oras na siya’y nilayasan ng damdaming nagdudulot ng trangkilo’t pag-intindi. Sa ubos, doon siya nababagay.



  Grabe siya kung umasta, daig pa ang polis sa gitna ng kalsada. Kay sarap subuan ang kanyang mga tenga ng mga realisasyon tungkol sa kung papaano mahalin ang isang kapatid. Hindi naman nagkulang ang mga magulang namin sa pagmamahal. Saksi ako sa lahat ng pagmamalabis nila kung ang pinag-uusapan ay pag-aaruga’ t pagkalinga. Nakita ko kung papano magpalaki ang mga tunay na magulang- ang suporta para sa mga anak, papaano mahalin ang katulad naming mga anak. Walang nagawang pagkakamali ang aking mga magulang, tama ang timpla ng kanilang disiplina subalit mukhang ako lang yata ang may kapasidad na lamunin ang mga ito sa isip at puso.


  Ako pa ngayon ang sinisisi sa lahat ng mga nangyari! Nagkalitse-litse raw ang buhay dahil minahal daw nila ako ng lubusan! Di niya masabi pero kung nagsasalita lang ang kanyang mga titig, alam kong sabik na sabik na itong sabihin sa akin na sana’y hindi na lang ako inuliwal sa mundo, na sana’ y sinungkit na lang ako sa bilat ng nanay ko noong ako’y mukhang ondin pa lamang. Inilaglag na lang daw sana ako sa kanal. Sa putikan o sa kung saan puwedeng tapunan ng mga dumi’t pagkamuhi!


Nakakainis tignan ang mga kaway at turo niya; isa lang naman ang ibig sabihin ng lahat ng mga ito: ipagsakatuparan ang  kanyang mga mando upang walang talo. Gusto niyang magmukha akong alipin sa harap ng mga madla. Gusto niyang idiniin sa mga kokote nila na ako ay isang mababaw na nilalang, na karapatdapat akong manungkulan sa katulad niyang hari! Sa katulad niyang hari ng mga halimaw na walang ibang pakay kung hindi ipamukha sa akin na utang ko sa kanya ang buhay ko, ang buhay kong puwedeng ng tawaging patay. Pagdurusa, inubos nito ang pag-asang makuha ang kahulugan ng aking pagkabuhay.


PInapahiya niya ako sa maraming mga tao, mahilig siya mag-iskandalo. Konteng mali ko lang tumatalsik na ang laway niyang naglalaman ng bumubukal na asido. Hala sige! Putak lang ng putak kuya, di rin naman kita naririnig. Kakapikon ka parati hari ng mga di-makinang puso, mas malala ka pa sa hayop.


“Buwisit!”  sabi ng kanyang mga labing kanina ko pa binabasa.


Suwerte pa rin siya kung ikukumpara sa akin, nasa harap pa rin niya ang alindog ng abala at nagsasalitang kapaligiran. Mahirap maging bingi, subalit mas mahirap ang maging nakababatang kapatid ni Praybeyt Arvin Leonel Sukati.  


Kay lupit na nga ng tadhana ko, nagkaganito pa. Sa milyon-milyong bubong, sa kanya pa ako napadpad. Buti na lang hindi naging yelo ang salitang “putang-ina”, kay kung naging isa, malamang punong-puno na ang bibig; nangangawit na ang panga; nagiging bakal na sa tigas itong aking gilagid… pero, wala rin namang punto kung sasabihin ko ito, maliban sa ito ay lambing ni satanas, lahat ng letra na galing sa aking lalamunan ay pawang mga inutil na garalgal. 

Ang init dito sa Claveria. 


Nais niyang magkaroon ng papeles. Ayaw niya raw manloko ng tao, gusto niyang may ma-ipakita siyang ebidensya na totoong di na siya puwedeng mamasukan sa isang trabaho. Demonyo na ang bobo pa! ‘E malayo pa lang kita na ang ebidensya na talagang di na siya puwedeng magtrabaho. Ayaw niyang siya ay tawaging tamad tulad ng mga ibang kaparehas namin, ang bobo! Tamad? Sila kaya dito sa mga katawan namin!


Ilang establisamiyento na rin ang aming napasukan, pero malas talaga, di kasi mapagkakatiwalaan ang mukha ni Leonel. Oo, mukha pa lang niya, para ng isang krimeng naghihintay ng kaganapan. Tsamba na kung kami ay bigyan ng tulong, kahit barya. At ito ay dahil sa kanyang pakikitungo sa mga tao, ang enerhiya niya kasi, puno ng pait at puot, mahirap daluyan ng awa.


Kaya nga pursigidong pursigido si kuyang makakuha ng permit mula sa gobyerno. Ito raw misyon namin ngayong semana. Punta raw kami sa City Hall para magtanong sa kung anumang proseso ang kailangan asikasuhin para maging legal kami. 


“Naiintindihan mo ba ako?”  sabi ng kanyang mga daliri.


Nag-umpisa ang lahat sa aking graduwasyon sa Mindanaw. Wala akong nakuhang medalyon o anumang kabayaran mula sa pagsusunog ng kilay. Tuwang-tuwa ang aking tatay, akala niya hanggang elementarya na lang daw ako. Su-ot niya ang mala-barako at respetado niyang polo at slaks – di halatang walang trabaho si tatay dahil sa tinahing kasuotan ni nanay. Si nanay naman, suot niya ‘yung paboritong damit na nanggaling pa raw sa India. Ang saya ko nung araw na iyon. Para bang nabunutan ng de kwatrong turnilyo ang aking puso (ganun ang persepsyon ko sa edukasyon)…at sa hindi inaasahang pangyayari, dumating si kuya. Bagsik, ito ang unang salitang pumasok sa utak ko noong mga panahong ‘yun - noong lumalakad si kuya patungo sa amin ni ama’ t ina. Dala niya si Linett, maitim subalit malinis, may korte subalit nakakatakot, nakasabit sa balikat ni kuya’ t dinuduyan naman ng utak. Si Linett, ilang beses ding binanggit ni kuya si Linett sa kanyang mga sulat. Ang ganda niya, makinis si Linett, at ang nagmamay-ari sa kanya ay si kuya. 


“Loy, nakita mo na rin si Linett,”  wika ni kuya, habang tulala kaming tatlo.

“Alam mo ba kung anong modelo si Linett?” tanong niya.

“M16,” sagot ko’t sabay bumalik sa mundo.


Nagyakapan kaming apat. Ako’y tuwang tuwa’ t nakapunta si kuya sa graduwasyon ko! Sila ama’ t ina, sila’ y napaluha. Isang selebrasyon nga ‘ yung araw na ‘ yun.


“Congrats Loy, akala ko sa susunod na milenyo ka pa gagraduweyt,” at niyakap ako ng mahigpit na mahigpit ni kuya. Napakahigpit, naamoy ko tuloy ang pulbura sa kanyang uniporme, galing yata sa tatlong Mk. 2 na nakasabit sa kanyang kanang balikat.


“Loy, dahil sa mga liham mo, napilitan tuloy akong tumakas sa tungkulin,” napangiti si kuya. Tapos, iniabot niya sa akin ang kanyang regalo na nakabalot pa sa isang kaha ng sigarilyo. “Pero sige lang, wa gayud nuon ko nagdahum nga makahuman ka,” at nagtawanan kaming apat.


 “Para naman kompleto tayo kuya, tsamba na nga at pumasa ako… hindi lang ikaw ang marunong mangopya’ t magkasyota ng mga matatalino,” sagot ko’ t sumabog ulit ang tuwa sa pamilya. Ngumiti si kuya at tinapik ako sa balikat na para bang isang sundalong natapos ang isang misyon na walang palya. Di ko makalimutan ang pakiramdam na ‘ yun.


Tama si kuya, pinilit ko nga siyang papuntahin sa graduwasyon ko. Gusto ko kasi siyang ipagmalaki sa mga kaklase ko’t sa mga kapwa ko CAT officers, “Sundalo na kuya ko ui! Modelo natin siya kaya’t atensyon!” Nagkita si kuya at ang commandant namin na si Mr. Tuhud. Sa unang pagkakataon, doon ko nakitang nabakla si Mr. Tuhud. Ramdam kong proud na proud si Mr. Tuhud kay kuya, si kuya na dati’ y Regimental Commander ng eskwela. 


At habang nagyayakapan sila Arnold Swachneger at Rambo, binuksan ko ang regalo ni kuya para sa akin – iya gayud gihatag ang perminti nakong pangayuon sa suwat! Isang lighter, hindi man hugis Mk.2, pero hugis granada pa rin!


Pagkatapos ng mga pangyayari, nag-aral ulit kami ni kuya sa isang pampubliko’t espesyal na eskwelahan. Nagpatayo rin kami ng tindahan, ginamit niya ang kanyang benipisyo at sinangla ang limitadong pensyon. Siya ang gumasto sa pang araw-araw na pangangailangan namin. Ilang taon ding naging tuliro si kuya, minsan di magkatugma ang kanyang mga sagot sa aking mga tanong. Siguro, kulang pa sa training si kuya kung papaano kausapin ang tulad ko. Pinilit naming mabuhay at buong tapang naming hinarap ang gabi at bukas. Ngunit, habang kami ay nagkakaunawaan- kung saan natututo na si kuyang gumamit ng mga senyas- mas lalong tumindi ang galit niya sa akin; siguro matagal niya na itong kinikimkim, di niya lang masabi sapagkat alam naming dalawa na walang silbi ang mga salita sa hangin. 


Ngayong marunong na siyang makipagpalitan ng mga salita sa akin – ngayong alam na niyang na-iintindihan ko na kung ano ang gusto niyang ipahiwatig-  puwede niya ng ibuga ang mga naglalagablab na dumot para sa akin.


Habang natutulog si kuya, ako ay umalis ng bahay para kumuha ng “business-permit”, sarap kasi ng tulog niya at halatang siya ay pagod na pagod. Pinagbigyan ko ang kanyang pangangailangan dahil alam kong di na kakayanin ng kanyang lakas ang tumungo sa gobyerno. Lumabas ako sa tinitirahan namin (na dati ay tinitirhan din nila ama at ina), may dalang diyes piso, masarap sumakay ng dyip subalit ako’ y pobre pa sa dukha. Kung di man magagalak si kuya sa gagawin ko, sana naman, kahit ,kahit konting intindi lang. Siya naman ang may pakana ng lahat ng ito, ang “business-permit” – ang pagiging legal namin sa madla. Tanging hiling ko lang  kung may DIYOS man, sana’y di masunog bahay namin.



  High school pa lang ako, idol ko na si kuya. Matikas ang kanyang tindig at walang nasasayang na galaw. Isang salita lang kuha niya na kung ano ang iyong gustong ipahiwatig. Bagay na bagay siya sa landas na kanyang pinili – ang maging sundalo. Kaya ako, pumasok agad sa pagiging aspirante sa Citizen Army Training sa aming eskwela. Di niya man pinapahalata, kitang kita ko namang proud na proud si kuya sa akin. Senior ko si kuya, third-year ako noon nang naging RegCom siya. Strikto siya, at kahit ako mismo’y hindi nakakalusot sa kanyang mga parusa. Tulad na lang noong nag-break kami sa training, wala akong balon noon kasi wala pang kostumer si nanay, biglang napadaan si kuya sa harapan na aming pulutong, napatayo’ t tumuwid ang tindig ng mga kasamahan ko (naka-attention), tumakbo ako sa kanya’t humingi ng tres pambili sana ng tinapay, nang bigla niya akong sinigawan, “Wala ka bang respeto!

Isang daang iskwatras! At taas noo kong ginawa ‘yun, di ako nagalit, mas lalo pa ‘kong bumilib sa kanya, nawala ang gutom ko.



Pati commandant namin na si Mr. Tuhod saludo sa kanya. The progiby nga tawag sa kanya. “Progiby, turuan mong ng pang-adjutant na takbo si Sareto!” Matinding tao si Mr. Tuhod, halos lahat kaming mga aspirante, pati na rin mga opiser, naiihi kapag siya’y lumalapit. Mabangis na parang leon, ‘sing laki ng oso. Noong fourth-year na ako, habang nagpapraktis kami ng formation para sa paparating na pagtatalaga ng posisyon, nilapitan niya ako. Para nga siyang oso, parang may hinahanap siyang puwedeng makain sa katawan ko. Pasinghut-singhut siya’t parang may nakita ngang puwedeng makain! Mata sa mata kaming dalawa (tang-ina, ano bang kasalanan ko?). “Tikas-pa’ynga!” Tumalsik ang laway niya sa mukha ko. Wala talaga akong kasalanan, sabi ko sa sarili ko. Inihanda ko ang sarili ko sa mga susunod na pangyayari. Iskwatras? Ilan? Isang libo? “Ibigay mo sa akin ang pinakamatindi mong parusa!” sigaw ko sa sarili ko’t may panggigil sa commandant. Gusto kong isigaw sa mukha ni Mr. Tuhod ang mga nasa isip na hamon, kaso kahit gaano ka siksik ‘tong katawan ko dahil sa training, wala pa rin akong lakas para patulan siya. Mas inilapit pa niya ang mabangis na mukha sa mukha ko, dalawang piso na lang, halik na ang  tawag doon - wala akong ibang maamoy kung hindi apoy at kidlat. Kinakabahan na ako, ano nga bang kasalanan ko? Two-by-three naman ang gupit ko; di ako umabuso sa posisyon ko sa eskwela; inaamin kong maganda nga ang anak ng oso, kaso di ko siya trip at kailanma’y di akong nagtangkang ligawan siya. “Rhenie Gold!” Tang-ina naman, amoy na amoy ko ang tanghalian niya noon.  “Rhenie Gold!” inulit niya pa ang sigaw, puta! Ang lansa ng pakbet! Tatanggapin ko ang ano mang kaparusahan ng daigdig makalanghap lang ng tunay na hangin. Kumakabog na dibdib ko’t pawis na pawis, di ko alam kung ito’y dahil ba sa takot o sa pakbet. Nahihirapan na akong huminga. Buti na lang inilayo na niya mukha niya sa akin –maglilimang minuto rin ‘yun.  



“Rhenie Gold?” ngumiti ang hayop. “Kumusta na ba kuya mo sa Bukidnon?”



Oo, kailangan nga na ng lisensya. Kailan pa ba naging uso ang magkaroon ng ganito? Di naman kami nanloloko ng kapwa tao, kung alam lang nila ang pinagdadaanan ni kuya, lalo na ako, tiyak maawa sila at siguradong di magdadalawangng isip na kami ay tulungan.



Pera ang nagpapagalaw sa mundo, akala ko dati, puso at tiyaga. Kontento na ako sa buhay namin noon kahit na medyo nagugutom ng paminsan-minsan. Di ko maipagpapalit ang mga panahong iyun; may pagkain sa mesa, may mga damit, nakakabili ng taho, at may mga magulang. Napapaginipan ko pa rin sila. Kung naging mayaman lang sana sila ama at ina, malamang di magkakaganito buhay ko.



Mali kasi ‘yung ginawa niya, tinakasan niya ang kanyang tungkulin para lang sa graduwasyon ko. Ang bigat pala ng kanyang kaparusahan, natanggal siya sa trabaho’t kinasuhan gobyerno. Ngunit, dahil sa nangyari sa amin, siya’y kinaawaan, isang awa na ang tumbas ay pagputol ng kalahati sa kanyang benipisyo, suwerte na nga raw at may nakuha pa siya. Kaming dalawa na lang ni kuya ang naiwan, kinalaban kasi ni ama di lang mga kapatid niya, pati na rin mga kapatid ni ina, nadamay kami ni kuya. Kinamumuhian kaming dalawa sapagkat nasa mga ugat daw namin ang dugo ni ama. Hanggang ngayon ay di ko pa rin alam kung ano ang sanhi ng kanilang pag-aaway at kung bakit tila pinagkaka-isahan nila si ama. Galit na galit sila sa amin ni kuya, pati sa daanan di kami pinapansin. Minsan din kasi, humingi ng tulong si Tito Jed kay kuya, kaka-umpisa lang ng pasukan, fourth-year na ako noon. Nilamon ni Tito ang pride niya at nagpadala ng sulat kay kuya sa Bukidnon. Dinapuan daw ng sakit ang kanyang limang taong gulang na anak na si Lecter, kailangan daw niya ng pera pambili ng gamot. Dengue raw ang sakit ni Lecter, kailangang may pangkuha ng dugo. Di ko alam kung ano ang pumasok sa dibdib ni kuya’t ito’y naging bato. Strikto si kuya pero kailanma’y di siya naging madamot sa amin- di siya naging maramot maliban sa sitwasyong iyun. Hindi binigyan ng tulong ni kuya si Tito Jed, sirado ang puso niya’t parang wala lang si Lecter at ang Dengue sa isip niya. Akala niya siguro isang sundalo si Lecter na kahit anumang sakit na hatid ng kalikasan - sa pagkakaalam ng katawan- ay malalampasan niya ito at hihilom lang tulad ng isang pasa. Walang awang tinanggihan ni kuya ang magkaroon ulit ng sigla ang pinsan ko. Namatay si Lecter pagkatapos ng dalawang linggo, lumaganap di lang sa pamilya namin ang balita, pati na rin sa kung saan-saan. Kaya ‘yun, demonyo na kami sa paningin ng karamihan. Ngayon ako pa ang sinisisi? Kung demonyo ako, Satanas ang kuya ko.



Isa sa mga nagpapadagdag ng depresyon kay kuya ay ang di pagpasok sa Philippine Military Academy. Aspirante pa lang ako, ‘yun na ang bukang bibig ni The Progiby sa eskwelahan. “Magiging PMA’er ako Loy!” Siguradong-sigurado siya noong mga panahong iyon. Lumiliwanag ang kanyang mga mata sa tuwing ito ang usapan. Alam ko’t alam naming lahat na malaki ang tsansang magtagumpay si kuya sa landas na ‘iyun. Kaya lang, ayaw naming tatlo na pumasok doon si kuya. Tutol kami nila ama at ina sa kagustuhan niya, di man namin ito sinasabi sa kanya pero alam kong pansin niyang nalulungkot kami sa tuwing ang pagiging PMA’er ang lumalabas sa kanyang bibig. Minsan lang nagiging sensitibo si kuya, at ito ‘yata ang isa sa mga minsan. Ayaw namin mapalayo si kuya. Nabalitaan ko kasi sa isang kaklase na may kuya na pumasok sa PMA, isang beses lang daw sa isang taon kung sila ay magkita. Hindi raw kompleto pamilya nila dahil napakalayo raw ng kuya niya, at kung umuuwi man daw, pasalubong nito’y pasa at peklat sa iilang bahagi ng katawan. Kawawa raw kung pagmamasdan ang kuya niya. Ayaw kong isiping ginaganito si kuya sapagkat solido siya sa eskwelahan namin. Siya ang may pinakamatikas na tindig sa CAT. Sinabi ko ang lahat kay ina, sa kung ano ang puwedeng mangyari kay kuya kapag siya ay pumasok sa PMA. Nadagdagan ang rason namin upang pigilan si kuya. Isang araw habang kumakain kaming magpapamilya, sinabi ni kuya “Ina, tumatanggap na po ng mga bagong estudyante ang PMA. Hihingi sana ako ng pang-medikal.” Natahimik kaming lahat sa mesa. Mahirap nguyain ang ulam na luto ni ina. Medyo nawalan kami ng gana at halatang may malalim na iniisip si ama habang si ina naman, di matignan sa mukha si kuya. Nasa kanya-kanyang mga plato ang mga tingin namin. Nang biglang “Huwag ka na ‘dun Arvin, ang layu layo mo naman sa amin. Tapos balita ko binubugbog daw mga bata doon,” ibinaba ni kuya ang hawak niyang tinidor at kutsara. Iniatras niya ang kanyang upuan mula sa mesa at sinabing, “Kahit anong kurso, bugbog sarado naman talaga ang mga estudyante, ang kaibihan nga lang, sa PMA, itinutulak ang pisikal na lakas sa kadulo-dulohan ng kanya-kanyang kapasidad… habang ang utak, puso, pati na rin kalag ng sinumang pumapasok sa akademiya ay ikinakalinga sa balanseng pamamaraan... magkakaroon ng integridad ang kabuohan, hanggang sa maging isang magiting na sundalo. Hindi ba’ t ito ang dapat na maging esensya ng isang tagapagtanggol?” Tumulo ang luha sa pisngi ni kuya. Natahimik kaming lahat, mahirap ang huminga, sadyang kay bigat ng kapaligiran. 



Tinapik ni tatay si kuya’t sinabi niyang, “Pagpasensyahan mo na kami anak,” may kinuha sa kanyang bulsa’t sinabing, “Puwede na ba itong tatlong daan?” Napa-iyak din ako, pero wala itong sinabi sa dami ng luha ni kuya. Pahabol niya pa sa amin, “Huwag kayong mag-aalala, babaguhin ko buhay natin. Ako bahala sa inyo, ina, ama at siyempre sayo Loy. Pangako ‘yan.”



At pagkatapos ng apat na araw, nakuha ni kuya ang resulta sa medical check-up, siya ay bumagsak. Ayaw ko ng isaalaala pa ang sinapit ng pamilya namin noong pumalpak ang pinapangarap ni kuya. Parang nagunaw ang mundo niya’t ilang linggo ring di nagsasalita si kuya. Hanggang napagdesisyon niyang pumasok na lang sa Bukidnon, may kampo din kasi dun, di nga lang katulad ‘nung nasa Baguio.



May mas matindi’t mas mabigat pa akong natatandaan, isang paggunita.


Buti na lang nagtagumpay ako sa pagkuha ng permiso sa City Hall, paano kasi, kasama ko sa CAT ang umasikaso ng mga papeles ‘dun, si Heno. Pagkatapos raw ng graduwasyon namin di na raw siya nagpatuloy ng kolehiyo, gusto na raw niyang makatulong sa magulang niya sa pamamagitan ng pagiging isang katulong ng isang attorney. Kinalimutan ko na ang nangyari sa aming dalawa ni Heno, pinatawad ko na rin siya, kasi aksidente ang nangyari. Alam kong mabait siya. Siya na nga ang umasikaso sa lahat ng kailangan ko para lang makakuha ng permit. Naaawa siya kalagayan ko, kitang-kita, kahit di siya marunong sumenyas at di ko siya marinig-  isinusulat na lang niya sa isang papel ang lahat ng gusto niyang sabihin. At muntikan ng ma-iyak si Heno noong isinulat niya ang mga salitang, “pasensya na talaga ha, alam kong may malaki akong utang sa iyo.” Tinapik ko siya, gusto kong iparamdam sa kanya na okay ang lahat. At may isinulat siya ulit, “ako bahala sayo Loy,” at pagkatapos, di ko na mapigilan ang pagdaloy ng luha sa pisngi. Kay tagal kong hinintay ang mga katagang ito mula sa bibig ng kapatid, kahit wala akong marinig, makita ko lang ang mga salitang ito sa kanyang bibig, kahit sa isang sulat lang, kahit senyas lang- ang paghingi ng tawad at pagsenyas ng “Loy, ako bahala sayo,” ito’ y aking inaabangan bawat segundo.



Pag-uwi ko sa amin, buti na lang, di nasunog ang bahay. Suwerte pa, kasi kuha ko na permit namin. Pagbukas ko sa pintuan nandoon si kuya, nakahiga pa rin. Tinitigan niya ako, na para bang mga titig ni Mr. Tuhod. Wala akong kasalanan kaya’t alam kung di niya ako pagagalitan. Nginitian ko siya, nilapitan, at inabot sa kanya ang permit na inasikaso ni Heno. Tinanggap niya ito at binasa. Sana mapasaya ko si kuya….sumenyas siya bigla, “Ba’t daw ako umalis  ng mag-isa?” Sumenyas din ako, at ikinuwento ko sa kanya ang mga nangyari, kung papaano ko nakuha ang permit namin. Tumigil sa pagsenyas si kuya, bumuka ang kanyang bibig, may sinabi sa hangin, namumula ang mga mata, bumibilis ang kanyang mga bigkas – at kahit di ko marinig, alam kong sumusigaw na siya, at habang binabasa ko ang kanyang mga labi, ang mga nakuha ko’y; Bulok! Bobo! Tanga! Gago! Palakas ng palakas ang mga sigaw niya, at sa sobrang lakas, halos dinig ko na ang mga ito, “Tarantado kang bata ka! Ba’t ka umalis! Nagpapasikat ka ba? Iniinsulto mo ba kalagayan ko!” Sumabog ang mga salitang ito sa aking mga mata’t umabot sa aking utak na parang granada. Sumabog!



Hiniram ko ang Mk. 2 na dala-dala ni kuya. Hindi ako nakontento sa regalo ni kuya na isang Mk. 2 na lighter, aanhin ko nga naman ang lighter? Di ako nagyoyosi. Gusto kong makahawak ng tunay na granada. Binigay ito ni kuya sa akin kasama ng tiwalang hindi ako gagawa ng kalokohan, sapagkat tunay na granada ang hawak ko’t di isang laruan o di kaya isang kagamitan sa CAT. Sikreto kong tinawag ang mga kasamahan ko sa pulutong, siguro mga sampung metro ang layo namin sa kanila kuya, ama, at ina. Tuwang-tuwa ako, pinapaligiran kaming dalawa ni Mk. 2 ng mga estduyante, opisyal man o sibilyan. Nang biglang lumapit si Heno at sinabing, “Yan ba regalo ng kuya mo sayo? Papano ba ‘yan gamitin?” Hinawakan niya kamay ko’t kinuha ang granada, pagkatapos binunot ang pin! “Gago ka Heno! Di ‘to lighter!” Di ko alam anong gagawin ko. Nagsitakbuhan papalayo ‘yung mga estudyanteng nakapalibut sa akin at sa granadang hawak ko. Nabulabog ang lahat, sumigaw ako “Kuya, nabunot ‘yung pin ng granada! Nabunot ang pin ng granda!” Nagulat ang lahat. Parang sumikip ang kapaligiran at biglang huminga ng malalim ang mundo. Kumipot ang aking paningin, nagiging tagapagtala ng oras ang tibuk ng puso ko. “Kuya, sasabug na ‘to!” Walang balak na kumilos ang katawan ko. 

Pero sabi ng utak ko kinakailangan ko raw itong itapon kung hindi mamatay ako, malulungkot sila ina, ama, at kuya. Naghanap ako ng dako na puwedeng matapunan, pero punong puno ang eskwelahan ng mga estudyante, di pa natatapos ang pagtakbuhan ng mga tao, kahit saan, may mga magulang at may mga estudyante. Ramdam ko na ang pagsabug ng granada, ilang segundo na lang….nang tumakbo papunta sa akin si ina, “Loy, ihagis mo sa akin!” hinabol siya ni ama, at sa di ko kagustuhan, bigla kong naitapon ang granada kay ina. Tumakbo si kuya para sana saluin ang granada, pero huli ng ang lahat, nasalo ito ni ina at niyakap niya ito na para bang isang sanggol. Nang maabutan ni ama si nanay, niyakap niya ito ng mahigpit na mahigpit. Tatlong metro ang layo ko mula sa layo nila ama’ t ina, at si kuya, isang metro.



Galit na galit si kuya sa akin. Gusto ko lang namang makatulong. Ako na nga ang kumuha ng permit. Di ko na nga siya ginising para naman makapagpahinga siya. Ulol talaga ‘tong bigong taong ito! Ginawa ko na nga ang lahat ng makakaya ko para lang mapatawad, pero di niya talaga matanggap ang nangyari. Pinagsisisihan ko naman ang lahat, at di ko akalaing magaganap ang lahat ng iyun. Nilapitan ko ang kuya ko sa kama, parang lumalapit lang kay Satanas. Kinuha ko ang permit na pinagtrabahuan ko, ang permit para makapanglimus kami sa kung saan sang establisamiyento, ang permit na magsasabi sa lahat na kaawa-awa kaming dalawa, na wala na kaming silbe upang maging trabahante, ang permit na magsasabing kailangan namin ng tulong ninyo para kami ay mabuhay, ang permit na magsasabing nabigo kami sa buhay at wala ng ibang paraan kung hindi ang mamalimus, ang permit na magsasabing pinatay ko ang aking mga magulang! 



Hawak ko ang isang papel na nagtataglay ng pag-asa naming dalawa ni kuya. Mahigpit ang hawak ko dito, katulad ng paghawak ni ina sa granada. Kinuha ko sa bulsa ang hugis granadang lighter na bigay sa akin ni kuya noong mga panahong iyun. Wala na nga talaga kaming pag-asa, araw-raw naming pinagbabayaran ang mga nagawang di sana kasali sa duklay ng aming kagustuhan. Sinindihan ko ang papel, di ako pinigilan ni kuya. Nawawalan na rin siya ng pag-asa. May tumulong luha sa matatapang na pisngi ni Praybeyt Arvin Leonel Sukati. Huminga ako ng malalim at nilapitan si kuya. Tinapon ko ang nagliliyab na papel sa sahig. ‘May dahilan ang lahat, may dahilan ang lahat,’ sabi ng bibig ko kahit hindi nakuha ng tenga. Dalawa kaming nagkasala, at kung ganito man ang sinasabing hustisya ng daigdig - kung may buhay man sa kabila - doon na lang kami ngingiti ni kuya. Niyakap ko siya at binuhat mula sa kama patungo sa kanyang silyang de-gulong. 



Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Dot Mediano's other books...